PAGKAGALING SA ESKWELAHAN Masarap alalahanin ang mga kaganapan mula sa ating kabataan, mga bagay na ating pinagkakaabalahan noon. Sa tuwing ipinipinta na ng aking isipan ang mga gunitang ito na bagama't hindi maingat ang pagkakaguhit sa mga hugis at mga larawan, tila isa pa ring kahanga-hangang tanawin ang aking nakikita. Malimit akong pinaaalalahanan nito na walang katumbas ang panahon ng kamusmusan ng isang tao. Naaalala ko pa ang mga taong ako ay nasa ika-5 at ika-6 na baitang pa lamang, mga huling taon ko sa elementarya. Ang mga gawain sa paaralan noon ay di pa kasing hirap at di kasing dami ng mga gawain sa mataas na paaralan o sa kolehiyo. Kaya naman tuwing natatapos ang isang araw sa paaralan, ako'y umuuwi sa bahay, magbibihis, iinom ng isang basong gatas na laging ipinaaalala sa aking ng aking nanay, at saka hihiga at manonood ng telebisyon. Mula ika-4 ng hapon o alas cuatro hanggang dapit-hapon ay ipinalalabas ang mga cartoons at ilang anime na ngayon ay aking tinaguriang "old-school." Kabilang na dito ang: Avatar: The Last Airbender/Legend of Aang, Jimmy Neutron, Spongebob Squarepants, Fullmetal Alchemist: Brotherhood, Oggy and the Cockroaches, at Batman: The Brave and the Bold. Tinutunghayan ko ang mga ito sa channel na ABC-5 na kalauna'y naging TV5. Matapos ang mga ito, ako'y gumagawa muna ng mga takdang aralin para sa eskwela kinabukasan. Pagsapit ng takip-silim, ako'y kakain na ng hapunan. Kadalasa'y isinasabay ko na ito sa panonood ng telebisyon. Aking nililipat ang channel sa QTV 11 (na ngayo'y GMA NEWS TV 11) habang nakikiusap sa nanay ko na laktawan muna ang TV Patrol o 24 Oras upang makapanood ako ng The Legend of Bruce Lee. Ang panonood nito ay tila isang gantimpala ko na para sa aking sarili dahil sikap sa pag-aaral (bagama't di naman ako palagiang masipag na nag-aaral). Ngayon, bakit ko nagustuhan ang palabas na ito? Bakit ko ako nahumaling sa konsepto ng martial arts at self-defense? Marahil namangha ako sa kakayanan ng mga martial artists na kumilos ng maliksi, malakas, at higit sa lahat, kaaya-aya sa mga mata (graceful), di lang dahil lagi silang nagwawagi sa mga paligsahan at eksenang labanan. Dahil sa paghanga na ito, unti-unti ko rin naging pangarap na matuto ng anumang martial art. THE LEGEND OF BRUCE LEE Ang palabas na The Legend of Bruce Lee ay isang teleserye na naglalarawan ng buhay ni Bruce Lee na isang tanyag na martial artist noong dekada 60 (1960s). Siya rin ay tinaguriang ng ilan bilang isang pantas sa larangan ng Martial Arts at Ama ng Mixed Martial Arts. Gumanap rin siya sa maraming mga pelikula sa Hong Kong tulad ng Fist of Fury, Game of Death, Enter the Dragon, at marami pang iba. Sa mga sumusunod na taludtod ilalahad ko ang mga pagkakataon o eksena sa serye kung saan ipinakikita ang konsepto ng Pagkalalaki: I. LABIS NA KUMPETISYON AT RACISM Sa unang mga kabanata ng serye, ipinakikita ang paaralan ni Bruce Lee sa Hong Kong kung saan karamihan ng mga mag-aaral ay mga Ingles o Briton samantalang kakaunti lamang ang mga mag-aaral na Tsino. Ito ang naging inspirasyon ni Bruce upang pagbutihin ang kanyang pag-aaral at manalo sa mga paligsahang kanyang sinasalihan. Bukod pa dito, mayroon pang uri ng racism na ipinakikita sa serye kung saan kinamumuhian ng mga Ingles ang mga mag-aaral na Tsino. Makikita natin na ang matinding pagnanais, di lamang ni Bruce kundi pati ng dalawang lahi na patunayan ang antas ng pagkahigit (superiority) nila sa isa't isa ang nagiging inspirasyon ng matinding pakikipag-paligsahan nila. Sa larangan ng boxing at ballroom dancing, naging karibal ni Bruce Lee ang Ingles na si Blair Lewis (nagkataon pa nga naman na pareho sila ng unang titik ng kanilang pangalan, "B.L."). Nagkalaban sila sa parehong ballroom dancing at boxing at nagwagi si Bruce sa dalawa. Matapos ang mga ito, naging magkaibigan sila matapos ang matagal na pagiging magkaaway at magkaribal. Ang sigasig nila sa pakikipag pagalingan at palakasan sa isa't isa ay nauugnay sa Pagkalalaki. Kung ating susuriin, ang palakasan o pagalingan ay nagmumula sa pangunahing panuntunan na "Survival of the fittest." Ito ay matagal nang umiiral sa mundo, di lamang sa mga tao ngunit pati narin sa mga hayop at halaman. Ito ang konsepto ng Pagkalalaki mula panahon ng imperyalismo at mga digmaan na nananatili pa rin naman hanggang ngayon. Gayundin naman noong panahong pre-colonial sa Pilipinas. Iginagalang at mas malamang tumaas sa antas ng lipunan ang mga mandirigma na napatunayan na ang kanilang Pagkalalaki sa pamamagitan ng dakilang mga nagawa at pagpaslang sa mga kalaban. II. PATRIYARKAL O PAGIGING AMA Habang ipinagpapatuloy ni Bruce Lee ang kanyang mga hangarin na magtayo ng Kung Fu School, ipabatid sa lahat ang galing ng lahing Tsino, at gumanap sa mga pelikula sa Hong Kong at sa Hollywood, aking napapansin na tila kanyang napababayaan at nakalilimutang gampanan ang kanyang responsibilidad bilang ama. Malimit ay ang kanyang asawa na si Linda ang nangangalaga sa anak nilang si Brandon. Ngunit sa panig ni Bruce, maaari nating sabihin na ginagawa niya ang lahat ng ito para sa kanyang anak. Gayunpaman, ang kasalungatan nito ang aking napansin. Aking natutunan sa aking ama ang konsepto ng patriyarka. Palagi niya saking sinasabi na ganitong uri ng ama ang dapat sikapin kong maging balang araw dahil para sa kanya, ito lang ang wastong paraan ng pagiging ama. Ayon sa kanya, ang isang ama ay hindi makasarili. Kung iisipin man ng ama ang kanyang sarali, i.e. pangalagaan ang sarili, sundin ang kanyang mga sariling mga interes at layunin, dapat ito'y maging sekundaryo lamang. Bukod pa rito, dapat may kakayanan din ang ama sa lahat ng aspeto (pinansiyal, emosyonal na suporta, at iba pa) upang tustusan ang lahat ng uri ng pangangailangan ng kanyang pamilya. Hindi magiging tunay na ama ang isang ama kung wala ang isa sa dalawang ito. Kung siya'y di makasarili ngunit wala namang kakayanan, di niya magagampanan ang pagiging ama. Gayundin naman kung siya'y may kakayanan ngunit makasarili naman, di rin niya magagampanan ang pagiging ama. Sa kaso ni Bruce Lee, siya naman ay may kakayanan na gampanan ang mga responsibilidad niya ngunit sa aking nakita, naging makasarili siya at inuna niya ang kaniyang mga sariling interes at hangarin bago ang sa kanyang anak at pamilya. Ang ganitong konsepto ng Pagiging ama (Pagkalalaki) ay di lamang sa pamilya namin umiiral. Ito rin ay umiral sa mga pamilya sa kalagitnaan ng panahong kolonyal hanggang ngayon. Ito ay marahil matapos ang panahong imperyal, unti-unting naubos ang mga mandirigma at mga gampaning pambayan na kailangan gampanan ng mga kalalakihan kaya mas nakapagbigay na ang mga lalaki at ama ng pansin sa kanilang mga pamilya. KONKLUSYON Samakatuwid, ito ang aking mga napagmasdan at napansin sa aking panonood at pagtunghay sa teleseryeng "The Legend of Bruce Lee" na ginanapan ni Danny Chan. Tandaan, di ko ninanais na magpakita ng kawalan ng galang sa buhay ni Bruce Lee at sa serye. Ito lamang ay munting pag-susuri para sa mga layuning pang-edukasyon. Maraming salamat sa pag-bisita sa aking blog! -Master Nico Alcantara
0 Comments
|
May AkdaEstudyante ng Ateneo de Manila University. Kasalukuyang kumukuha ng kursong BS Legal Management. |